Ang lantarang pagbabahagi ng lifestyle vlogger na si Claudine Co ng magarbong pamumuhay ng kanilang pamilya sa social media ang pinakadahilan para lalong madiin ang kanyang mga kaanak sa eskandalo sa infrastructure projects ng pamahalaan.
Si Claudine ay pamangkin ni Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co at anak ni dating Congressman Christopher Co.
Si Zaldy ang isa sa mga nagtatag ng Sunwest Construction and Development Corporation, samantalang ang kanyang kapatid na si Christopher ang founder ng Hi-Tone Construction and Development Corporation.
Ang dalawang nabanggit na construction company ay kasama sa ibinulgar na listahan ni President Ferdinand Marcos Jr. ng Top 15 contractors na nabigyan ng DPWH ng mga proyektong nagkakahalaga ng PHP105 billion.
Sangkot umano ang contractors na ito sa mga anomalya, ghost projects, at may koneksiyon sa mga pulitiko.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag at paliwanag si Congressman Zaldy Co tungkol sa mabibigat na akusasyon laban sa kanya na higit pinatindi ng mga video ng lavish lifestyle ni Claudine noong aktibo pa ito sa social media.
Pero ayon sa mga kapwa niya kongresista, matagal nang hindi nagpapakita ang Ako Bicol party-list representative buhat nang magbukas ang sesyon ng 20th Congress noong Hulyo 28, 2025.
Ayon kay House of Representatives spokesperson Atty. Princess Abante, wala sa Pilipinas si Congressman Co dahil nagpunta ito sa Amerika para magpagamot.
Hinihikayat si Congressman Co ng mga kasamahan nito sa Kongreso na lumantad at magsalita para maipagtanggol ang sarili laban sa mga akusasyon sa kanya.
DISCAYA FAMILY IN VIETNAM?
Noong Huwebes, Setyembre 4, kumalat naman ang balita na, diumano, umalis na sa Pilipinas at lumipad sa Vietnam ang pamilya Discaya noong September 3.
Noong Setyembre 3, humarap sa presscon ang legal counsel ng mga Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III.
Read more about
Mariin niyang pinabulaanan ang mga hinalang tatakas at lilipad sa ibang bansa ang kanyang mga kliyente.
“Hindi ho magtatago yan. Saka kapag nagtago ka, hahabulin ka rin ng batas, kahit nasa ibang bansa ka, ganoon din.


“Madali lang yan, ipa-cancel lang ang passport mo, tapos ka na.
“Stateless ka na. Hindi ka na makakapunta sa ibang bansa.
“Kahit nasa Singapore ka, whatever, kapag kinansel ang passport mo, wala na.
“Saan ka pa? Mako-corner ka rin,” katuwiran ni Samaniego, isang araw bago kumalat ang mga haka-hakang nakaalis na ng bansa ang mga Discaya.